Ang argument na tinutugunan natin in the past episodes at tutugunan natin ngayon ay galing sa objection na “Bakit ko paniniwalaan ang Bible eh gawa lang naman yan ng tao.” The argument being “People must not believe the Bible because it is only created by men.” Itutuloy pa rin natin yan ngayon. Ginagawa natin ito bilang pagpapatibay ng mga pananampalataya ng mga kapatiran na may pagkagutom sa paliwanag na galing sa Salita ng Diyos bilang positive apologetics o yung mga patunay na nagpapatibay ng pinaniniwalaan ng Christian. Ang negative apologetics naman po kasi ay yung pagpuna o pag refute o pag demolish sa mga argumento ng mga tumutuligsa sa Christian faith. So from last episodes we tried to build a cumulative case for the belief in the divine authority of the Bible and we continue today but this time we will borrow from my favorite Puritan writer, Thomas Watson from his book Body of Divinity kung saan may commentary siya sa Q2 ng Westminster Shorter Catechism that says, Anong kautusan ang ibinigay ng Dios upang patnubayan tayo kung paano natin Siya mapapupurihan at kalulugdan? S: Ang Salita ng Dios na nakapaloob sa mga banal na kasulatan ng Matanda at Bagong Tipan ang natatanging panuntunan upang patnubayan tayo kung paano natin Siya mapapupurihan at kalulugdan.
“Lahat ng Kasulata’y kinasihan ng Dios,” atbp. (2 Tim. 3:16). Bilang pakahulugan, ang Kasulatan ay ang banal na Aklat ng Dios. Ibinigay Ito nang may banal na pagkapukaw, sa madaling sabi, ang Bibliya ay hindi lamang likhang isip ng tao, ngunit Ito’y may banal na pinagmulan. Sinamba ng mga taga-Efeso ang imahe ni Diana, dahil galing ito sa trono ni Jupiter, pakiwari nila (Mga Gawa 19:35). Dapat igalang at dakilain ang Bibliya, pagkat Ito’y mula sa langit (2 Ped. 1:21). Ang dalawang Tipan ng Bibliya ay ang mga labi na ginamit ng Dios upang mangusap sa atin.
Paanong ang Bibliya’y mistulang may tatak ng “jus Divinum”, banal na kapangyarihan?
Dahil ang Matanda at Bagong Tipan ang saligan ng mga relihiyon. Kung hindi mapatutunayan ang taglay Nitong kabanalan, walang pundasyon ang ating pananalig. Kung gayon, sisikapin kong patunayan ang dakilang katotohanang ito, na ang Bibliya ay ang mismong salita ng Dios. Pagtatakhan ko ang pinagmulan ng Bibliya kung Ito’y hindi galing sa Dios. Hindi maaaring makakasalanang tao ang may-akda Nito. Kakayanin ba ng kanilang pag-iisip na humatol ng mga banal na taludtod? Kakayanin ba nilang magpahayag nang buong bagsik laban sa kasalanan? Hindi rin maaaring mabubuting tao ang may-akda nito. Kakayanin ba nilang sumulat sa ganoong himig? O makakayanan ba ng kanilang kabaitang huwarin ang ngalan ng Dios at sabihing “Kung gayon, sabi ng Panginoon”, sa aklat na sila lamang ang sumulat? Hindi rin maaaring mga anghel sa kalangitan ang umakda Nito, sapagkat maging sila ay sumisipat at sumasalksik sa kaibuturan ng ebanghelyo (1 Ped. 1:12) na nagpapahiwatig ng kanilang kawalang-kaalaman sa ilang mga bahagi ng Bibliya; kaya hindi maaaring sila ang maging may-akda ng isang aklat na hindi nila lubusang nauunawaan. Sa kabilang banda, anong mapangahas at hambog na anghel ang kakatawan sa Dios at magsasabing “Ako ang lumikha” (Is. 65:17) at, “Akong si Yahweh ang may sabi nito” (Bil. 14:35)? Samakatwid, malinaw na ang pinagmulan ng Bibliya ay banal at Ito’y mula lamang sa Dios at wala nang iba.
Maliban sa natatanging kaisahan ng diwang nakapaloob sa Bibilya, may pitong makatuwirang argumentong magpapakita na Ito ay Salita ng Dios.
[1] Ang taglay nitong gulang. Itp’y may kalagayang mula pa sa sinaunang kasaysayan. Ang Bibliya’y mistulang uban na nag-aatanda ng karunungan, sapat upang maging kagalang-galang. Walang buhay na kasaysayan ang higit na nauna pa sa tala ni Noah: subalit ang Bibliya’y naglalahad ng mga katotohanang mula pa sa umpisa. Ito ang tiyak na panuntunan ni Tertullian: ‘Yaong mula pa sa pinaka dakilang sinauna, id verum quod primum, ang siyang dapat tanggapin bilang pinaka natatangi at tumanggap ng pagsamba’.
[2] Malalaman nating ang Bibliya ay ang Salita ng Dios sa pamamagitan ng milagrosong pagkakapanatili Nito sa mga nagdaang panahon. Ang banal Kasulatan ang pinaka kayamanang iniwan sa atin ni Kristo; at labis na pinangalagaan ng iglesya ng Dios ang mga publikong tala na Ito ng langit, nang hindi Ito mawala. Hindi ninais ng Salita ng Dios na tunggaliin, maging gapasin Ito ng mga kaaway. Nagpatupad sila ng batas ukol sa Bibliya, gaya ng Paraon sa mga kumadrona, na paslangin ang mga batang babaeng Ebreong; subalit pinananatiling buo ng Dios ang pinagpalang Aklat na ito hanggang sa ngayon. Walang puknat na sinusubukan ng diablo at mga alipores nito na paramin ang linawanag ng Bibliya, ngunit nabigo sila; ito’y isang sagigag na ang Bibliya ay niliwanagan mula sa langit. Kinipkip, maging ng iglesya ng Dios, sampu ng mga pag-aalsa at mga pagbabago, ang Bibliya upang Ito ay hindi lamang hindi mawala, kundi pati Ito’y hindi mapasama. Napanatili ang bawat titik ng Bibliya mula sa simulaing wika Nito, laban sa pagkapariwara. Hindi nabalakyot ang Bibliya bago pa man dumating ang kapanahunan ni Kristo, dahil kung nagkagayon, hindi Niya sana isinugo ang mga Hudyo sa kanila. Sabi Niya, “saliksikin niyo ang Kasulatan”. Alam Niyang ang banal na bukal na ito ay hindi nabahirang-putik ng haraya ninoman, ni minsan.
[3] Ang Bibliya ay pawang Salita ng Dios dahil sa diwang nakapaloob Dito. Kung ang Bibliya ay hindi banal na pahayag, labis na malalim at paham ang taglay Nitong misteryo upang maging likhang-tao o ng anghel lamang. Kung ang Bibliya’y hindi banal na pahayag para sa atin, sino o ano ang may kakayahang isadiwa na: ang Walang-hanggan ay ipanganganak; ang Siyang nagpapa-ugong ng kalangitan, sa isang sabsaban, ay papalahaw ng iyak; ang Gabay ng mga tala ay sususo sa isang ina; ang Prinsipe ng Buhay ay mamamatay; ang Panginoon ng Kadakilaan ay aapak-apakan; ang kasalana’y lubos na maparurusahan, ngunit lubos ding mabibigyang kapatawaran? Para naman sa doktrina ng muling pagkabuhay, ito’y nagsasabing ang katawa’y maaagnas bilang alabok, ngunit magbabalik, idem numero, bilang parehong katawan, pagkat kung hindi, ito’y paglikha, hindi muling pagkabuhay. Papaanong malalaman ang banal na bugtong na yaon, sa kabila ng mga kuru-kuro, kung ito’y hindi nasumpungan ng Banal na Kasulatan? Ang Bibliya ay punung-puno ng kabutihan, hustisya at kabanalan, upang Ito’y hindi magmula kundi sa Dios at hininga ng Dios lamang. Ang Bibliya’y inihambing sa pilak na pitong ulit dinalisay (Aw. 12:6). Wala ni isang pagkakamali sa Aklat ng Dios; Ito’y sinag Araw ng Katuwiran, isang malinaw na batis na bumabalong mula sa bukal ng buhay. Lahat ng batas at kautusan ng tao ay may batik, subalit ang Salita ng Dios ay wala, ni gapatak na dumi o bahid, Ito ang liwanag ng katanghaliang-tapat. “Ang pangako Mo sa amin ay subok na’t walang mintis” (Aw. 119:140); tulad ng alak na galing sa ubas, puro at walang halo. Labis ang kadalisayan Nito na kahit anopaman ay dinadalisay Nito. ‘Italaga Mo sila sa pamamagitan ng (Iyong) katotohanan’ (Ju. 17:17). Ang Bibliya ay pumipiga ng kabanalan, na walang ibang aklat ang may kakayanan: “Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang mga likong pamumuhay at damdaming makalaman” (Tito 2:12); may katinuan, sa pagtitimpi; may katuwiran, sa gawi ng hustisya; maka-Dios, sa mga gawaing masigasig at panata. Itinatalaga Nito sa atin ang kahit anumang karapat-dapat, kaibig-ibig at kagalang-galang (Fil. 4:8).
Tinatagpas ng ispada ng Spiritu na ito ang maling gawi (Ef. 6:17). Mula sa tore ng Banal na Kasulatang ito ay ang isang gilingang-bato na inihuhulog sa tuktok ng kasalanan. Ang Bibliya ay ang makaharing batas na nagpapatupad, hindi lamang ng mga gawain, kundi pati ng mga saloobin; ibinibigkis Nito ang puso sa mabuting asal. Saan matatagpuan ang gayong kabanalan na maaaring mahukay mula sa yaring banal na minahan? Sino ang maaaring maging may-akda ng ganoong aklat maliban sa ang Dios mismo lamang?
[4] Pinatutunayan ng mga hula Nito/rito na ang Bibliya ay ang Salita ng Dios. Hinuhulaan Nito ang mga magiging kaganapan, na nagpapakitang ang Dios ang bumibugkas ng mga ito. Isang propeta na ang nagsabi ‘May isang birhen na maglilihi’ (Is. 7:14) at ang Mesias ay papaslangin (Dan. 9:26). Sinasambit ng Bibliya ang mga bagay na magaganap pa lamang ilang panahon at siglo sa hinaharap; tulad ng kung gaano katagal maninilbihan ang Israel sa isang hurnong bakal, at ang araw ng knailang kalayaan. ‘Huling araw ng apat na raan at tatlumpung taon nang umalis sa Ehipto ang mga hukbo ni Yahweh’ (Ex. 12:41).
Ang hulang ito, bilang kaganapan, at hindi nakasalalay sa mga natural na pangyayari, ay isang malinaw na pagpapakita ng banal Nitong pinagmulan.
[5] Ang walang pagkiling na pahayag ng mga alagad ng Dios na nagsulat ng Bibliya, na hindi nangiming ilahad ang kanilang mga naging kabiguan. Sino sa kasaysayan ang ipahihiya ang kaniyang sarili sa pagtatala ng mga pangyayaring babahid sa kanyang reputasyon? Itinala ni Moises ang kawalan niya ng pasensiya nang basagin niya ang tableta at ibahagi sa ating hindi siya makapapasok sa lupang pangako. Isinalaysay ni David ang kanyang pangangalunya at pagpaslang na mistulang batik sa kanyang pangalan sa mga susunod na panahon. Ibinahagi ni Pedro ang kanyang karuwagan nang itatwa niya si Kristo. Ibinulalas ni Jonah ang kanyang mga saloobin, ‘Nais kong mamuhi hanggang kamatayan’. Pihado, kung ang kanilang panulat ay hindi pinatnubayan ng kamay ng Dios, hindi nila sasalaminin ang kanilang kahihiyan. Kadalasan, ikinukubli ng tao ang kanyang mga kapintasan, sa halip na ang mga ito’y kanyang ipangalandakan. Subalit pinasubalian ng mga sumulat ng Bibliya ang kanilang kahihiyan; isinaisantabi nila ang kanilang dignidan, at bagkus ang Dios ay kanilang pinapurihan.
[6] Ang dakilang kapangyarihan at halaga na ginampanan ng Salita kaluluwa at konsensiya ng sangkatauhan. Binago nito ang kanilang mga puso. Sa pagbasa ng Bibliya, ang iba’y nagkaroon ng bagong pagkatao, sila’y napabanal at naging mapagpatawad. Maaaring mag-alwan ng damdamin ang ilang aklat, ngunit Bibliya lamang ang may kakayanang bumago ng pagkatao. ‘Kayo ang maliwanag na sulat ni Kristo, ang sulat na ipinadala sa pamamagitan namin. Ito’y nasusulat, hindi ng tinta kundi ng Espiritu ng Dios na buhay, at hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa puso ng tao’ (2 Cor. 3:3). Ang Salita ay kinoya sa kanilang mga puso at sila’y naging mga liham ni Kristo, nang mabasa ng iba si Kristo sa kanila. Kung maglalapat ka ng selyo sa marmol, ito ay dapat magmarka sa marmol, na mag-iiwan ng kakaibang katangian mula sa selyo. Gayundin, kapag nag-iwan ng makalangit na bakas ang Salita sa puso, dapat Ito’y may banal na kapangyarihang kaalinsabay. Pinanatag Nito ang kanilang mga puso. Kapag ang mga Kristiyano ay nakalundo sa daloy ng kanyang kalungkutan, ang Salita ay papatak tulad ng pulot at buong tamis na magpapanumbalik sa kanila. Ang pangunahing kaginhawahan ng isang Kristiyano ay dapat nagmumula sa Bukal ng Kaligtasan. ‘Na tayo, sa pamamagitan ng kaginhawahan ng Kasulatan, ay magkaroon ng pag-asa’ (Rom. 15:4). Kapag handa nang sumuko ang isang nagdarahop na kaluluwa, walang ibang kayang magpaginhawa sa kanya kundi ang Kasulatang kaaya-aya. Kapag siya’y nagkasakit, ang Salita ang sa kanya’y magpapanumbalik. ‘Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas ko ngayon ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad.’ (2 Cor. 4:17). Kapag ito’y iwinaksi, ang Salita ay nagpatak ng ginintuang langis ng kaligayahan. ‘Hindi tayo itatakwil ni Yahweh habang panahon’ (Pan. 3:31). Maaaring baguhin Niya ang Knayang katalagahan, ngunit hindi ang Kanyang layunin; maaaring magmistulan Siyang kaaway, ngunit mayroon siyang puso ng isang ama. Samakatwid, ang Salita ay may taglay na kapangyarihang panatagin ang damdamin. ‘Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, Pagkat buhay ang natamo ng pangako Mo sa akin’ (Aw. 119:50). Kung paanong ang buhay ay inihahatid sa pamamagitan ng mga ugat sa katawan, gayundin ang banal na kaginhawahan ay inihahatid sa mga pangako ng Salita. Na ang Bibliya ay may pusong nagbibigay-buhay—nakagiginhawang kapangyarihan, ay buong kalugurang patunay na Ito ay mula sa Dios at Siya ang nagbigay ng gatas na kaginhawahan dito sa mga Dibdib na ating susupsupan at sa ati’y magpapatahan.
[7] Ang mga himalang kumukumpirma sa Bibliya. Ginamit nila Moises, Elijah, at Kristo ang mga himala at ipinagpatuloy ng mga apostol sa mga sumunod na taon upang kumpiramahin ang katotohanan ng banal na Kasulatan. Gaya ng tukod sa mga bagong baging ay ang mga propeta para sa mga taong may mahinang pananampalataya, na kung hindi nila mapaniniwalaan ang Bibliya, maaari nilang paniwalaan ang mga himala. Nabasa nating hinati ng Dios ang katubigang nagbigay daan sa mga tao, ang paglutang ng bakal, ang pagdaloy ng langis habang ibinubuhos, kung paanong ginawang alak ang tubig ni Kristo, ang pagpapagaling Niya sa bulag, at ang pagbuhay Niya sa patay. Kung gayon, sinelyuhan ng Dios ang katotohanan at kabanalan ng Bibliya sa pamamagitan ng mga himala. Hindi maitatatwa ng Romano Katoliko na ang Bibliya ay banal at makapangyarihan, ngunit sinasangayunan nila quoad nos, kung ihahambing sa atin, na ang iglesya ang pinagmumulan ng kapangyarihan ng Bibliya; at blang patunay, ay sinisipi nila ang Bibliya (1 Tim. 3:15) kung saan ang iglesya di umano ang lunduyan at pundasyon ng katotohanan.
Totoo, ang iglesya ay ang haligi ng katotohanan; ngunit hindi ito nangangahulugang ito ang pinagmumulan ng taglay Nitong kapangyarihan. Ang proklamasyon ng hari ay nakatuon sa haligi, ang haligi ang pinagkakakabitan nito nang mabasa ng nakalalahat. Ngunit ang kapangyarihan ng proklamasyon ay hindi nagmumula sa haligi, kundi sa hari. Samakatwid, itinataguyod ng iglesya ang Kasulatan, ngunit ang kapangyarihan ay mula sa Panginoon, hindi sa Kanyang nasasakupan. Kung ang Salita ng Dios ay banal dahil lamang sa Ito ay itinataguyod ng iglesya, kung gayon ang ating pananalig ay sumasalalay sa iglesya., at hindi sa Salita, saliwa sa Efeso 2:20: ‘Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, at ang batong panulukan ay si Kristo Jesus.”
No comments:
Post a Comment